Ang bunso ng SARANGGOLA BOOKS Aklat Pambata ng SVPP

Pagkatapos ng limang taong patlang, nais namin ipakilala sa inyo ang pinakabagong dagdag sa koleksyong SARANGGOLA BOOKS ng SVPP ngayong 2021, ang Sayaw ng Pantaronna isinulat ni Janine Dimaranan at iginuhit ni Ilena Saturay. Tungkol ang munting kwentong ito kay Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay at sa makasaysayang laban ng mga Manobo ng Davao del Norte at Bukidnon noong 1994 para ipagtanggol ang lupang ninuno laban sa isang malaking kumpanya ng logging.
Ano ang Saranggola Books?
Ang Saranggola Books ay isang kalipulan ng mga kuwentong pambata ng Southern Voices Printing Press (SVPP). Ipinangalan ito sa “saranggola”, isang laruang pinalilipad sa langit, tangay-tangay ng hangin upang maging simbolo ng magaan at malayang buhay ng mga kabataang Pilipino, sa pamamagitan ng malayang pag-iisip. Tangay din ng saranggola ang mga mithiin ng mga batang mambabasa para sa kasalukuyan at hinaharap.
Taong 2011 nang ilimbag ng SVPP ang Barako Baraking ni Cindy Dizon-Gealogo sa ilustrasyon ni Archie Geotina tungkol sa isang tatay na gumagampan ng gawaing nanay dahil OFW ang ina ng batang nagsasalaysay; at ang Jamin: Ang Batang Manggagawa ni Jamin Olarita at Amado V. Hernandez Resource Center sa ilustrasyon ni Vernald Magpusao na tungkol naman sa buhay-manggagawa ng isang bata sa Sasa Port sa Davao City. 2013 naman nang ilimbag ang akdang ‘Nay, ‘Tay, Itim na po ang Dagat na isinulat at iginuhit ni John Paul Clemente tungkol sa pagkamatay ng kaibigang dolphin at puno ng bida, dahil sa lason ng kompanya ng mining at illegal na pagpuputol ng mga puno sa Bicol City. Ang pinakahuling limbag naman sa koleksyon ay ang May Mumu sa Loob ng Computer na isinulat at binigyang disenyo ng DM9 JaymeSyfu katuwang ng Gabriela Inc. Isa itong gabay sa mga guro at magulang upang maipaliwanag at protektahan ang mga bata sa online harassment at cybersexual abuse sa mga bata.
Katangi-tangi ang mga munting aklat ng Saranggola Books dahil sa mga ginintuang aral na inilalahad ng mga akda na siyang kayang magbigay gabay sa paghubog hindi lamang ng isip (pagbilang at pagbasa) ng isang bata ngunit maging ng kaniyang EQ o “emotional intelligence” sa pamamagitan ng pag-papaabot ng mga kuwentong pupukaw sa kanilang pakikipagkapwa-tao. Ang hatid ng Saranggol Books ay hindi lamang dunong pang-akademiko kundi isang mahiwagang balon ng social values na maaaring gamitin ng bata sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Tulad ng mga unang inilathala ng SVPP sa ilalim ng SARANGGOLA BOOKS – mula sa karanasan ng isang batang may OFW na ina, at pagiging batang-manggagawa sa syudad, maging ang musmos na danas sa lugar ng development aggression at sexual harassment sa internet – ay mapakikinggan natin sa Sayaw ng Pantaron ang kuwento ni Liway, isang batang Manobong nagtatanggol ng kanilang lupang ninuno. Magbibigay ito ng kapasidad sa ating mga anak, pamangkin, estudyante, atbp. na makinig sa kuwento ng ibang batang malayo o malapit man sa sarili ang danas sa buhay.
At tulad din ng naunang apat na aklat, na nagbalik sa mga kabataan (PAI, Salinlahi), kababaihan (Gabriela) at organisasyon para pagtutulungan sa panahon ng kalamidad (TABI) gamit ang bahagi ng kita sa mga aklat, ay ganoon din ang sa bagong aklat na ilalathala. Ang Sayaw sa Pantaron ay may direktang ambag sa Save our Schools Network para sa patuloy na pagtaguyod sa karapatang makapaaral ng mga batang lumad. ***