Tulad ng isang kuwento, bago dumating ang mga libro sa iyong palad, bago masilayan ng iyong mga mata ang makukulay na salaysay sa loob ng bawat pahina, ay dumadaan ito sa iba’t ibang mga tauhan bago pa mabili nina nanay at tatay o mairegalo sa iyo ng malapit mong kaibigan. Mula sa proseso ng pagkakasulat hanggang sa paglilimbag ay dumadanas ang libro ng sarili nitong pakikipagsapalaran. Ito ang ibabahagi namin sa iyo ngayon, aming mambabasa, ang kuwento ng mga kuwento.
Mula kay Ginang Manunulat, na siyang gumagawa ng mga karakter at daloy ng banghay, nabubuo ang nilalaman ng ating munting libro. Siya ang iskultor ng mga salita upang magkaroon ito ng hugis, kulay at saysay. Hinuhulma niya ang kuwento sa kaniyang imahinasyon. Kapag masaya na si Ginang Manunulat sa kaniyang akda at handa na siyang mabasa ito ng mas maraming tao ay ipapasa niya ito kay Ginang Tagalapat.

Si Ginoong Tagalapat / Tagadisenyo naman ang mahusay na bubuo sa kaniyang isip kung ano ang magiging itsura ng akda ni Ginang Manunulat. Siya ang maglalapat nito sa papel, pahina kada pahina, sa font at kaanyuan na mapagkasusunduan nila ni Ginang Manunulat. Lalagyan niya ito ng pabalat na naaayon sa sukat na nais. Kapag naisalibro na ni Ginoong Tagadisenyo ang akda sa kaniyang kompyuter, ay tatawagan na niya ang Hepe ng Imprenta.

Ang Hepe ng Imprenta naman ang sasapul sa aabuting presyo ng paglilimbag ng libro. Isasagawa niya ang kaniyang super power na ang tawag ay “quotation”. Dito malalaman nina Ginoong Manunulat at Ginang Tagalapat ang karampatang gastusin ng plate printing at offset printing, kung may kulay o wala ang libro, anong uri ng papel ang gagamitin na nais nilang ilimbag, at ilang kopya ang kanilang nais ipagawa. Kapag nagkasunduan na ang tatlo ay pasisimulan na ni Hepe ang paglilimbag kay Maestro.

Unang darating sa kamay ng Maestro ng Makina ang mga plate sheets na bakal. Dumadaan ito sa proseso na ang tawag ay CTP o computer to plate printing. Kapag nasa kaniya na ang mga bakal na katulad ng nasa layout ni Ginang Tagalapat, ipapakain niya ito sa kaniyang alagang makina upang magluwal ito ng maraming maraming kopya sa papel, tulad ng nasa disenyo ng plate sheet. Mula unang pahina hanggang sa katapusang pahina ay ililimbag ito ni Maestro. Mahusay niyang hahabulin ang mga kulay na nais nina Ginoo at Ginang upang maianak ng mabuti ang librong inaasam.





Pagkatapos kay Maestro ay dadalin ang libu-libong pahina sa Mga Bantay ng Bigkisan.

Dito isasalansan ang mga pahina at tutupiin ang mga papel. Kung kakaunting kopya lamang ito ay dadaan ito sa kettle stitch binding o saddle stitch. Dalawang uri ito ng manwal na pagtatahi ng gulugod. Para naman sa maramihang kopya, ang ginagawa dito ay perfect bind. Saka ito ididikit sa cover ng libro na maaaring soft o hard bound.
Kapag natapos na ang libro ay ibabalik itong lahat kay Hepe upang ipa-revise kina Ginang at Ginoo at ipatingin ang natapos na produkto. Kung sa huli’y magkakatugma na ang lahat ng kanilang hiling ay saka pa lamang maibebenta ang mga librong nailimbag. Mula sa imprenta hanggang sa pagbebenta ay marami pang paglalakbay ang gagawin ng mga libro. Ilang bersyon pa ng kuwento ang maaaring ikuwento sa mga kabanatang ito.

Isa sa mga nais naming ibahagi sa iyo ngayon, aming mambabasa, ay ang katotohanan na ang libro ay hindi lamang gawa ng iisang tao. Nabubuhay sa maraming maraming kuwentuhan ang lahat ng kuwentong iyong nababasa’t nahahawakan sa iyong mga palad.