Ang Pagluto ng Libro

o pansit ba ang Libro?

Kung ikaw ay magluluto ng pansit, ilang minuto lang ang igugugol dito kung instant pancit canton ang lulutuin. Kung maraming rekados at ‘totoong’ miki naman ang balak iluto, mas matagal ang proseso nito. Mula sa pamamalengke ng mga sangkap, paggayat ng mga ito, paggisa at mismong pagluluto hanggang sa paghain sa mesa. Ilang oras mo itong iluluto, pagkatapos ay kakainin lamang ito ng ilang minuto.

credit to Lindsay Moe @ unsplash.com

Ganito rin ang pagluluto ng libro.

Para sa pinakamamahal naming mga kliyente na madalas magtanong kung maaari bang i-deliver agad ang kanilang pinagawang libro o anupamang produkto pagkatapos ng 1 o dalawang araw, nais po naming ibahagi ang kumplikadong recipe ng paglilimbag o pag-iimprenta, depende sa kung ano ang inyong pinaiimprenta. 

Photo by Quinton Coetzee on Unsplash

May nauna nang kahawig na artikulo kaming naisulat at maaari ninyong basahin kaugnay ng iba’t ibang proseso na dinadaanan hanggang sa maging libro ang inyong pinagawa.

Mababasa niyo ito sa… https://southernvoicesbooks.shop/2019/09/02/kuwento-ng-mga-kuwento-paano-gumawa-ng-isang-libro/

Nauunawaan naming maliban sa MAGKANO, ang tanong na GAANO KATAGAL ay mahalaga sa inyo dahil mga datos ito na makakapagpahusay ng inyong plano, laluna kung may hinahabol kayong LAUNCH EVENT, o iba pang activitiy na paggagamitan ng inyong pinalimbag.

Sakali man pong hindi pa rin ganoon kalinaw ang usapin kung gaano katagal ang production timeline, unang unang konsiderasyon ay kung may naunang potahe bang niluluto sa kalan at kung anong potahe ito. Kung ang naunang potahe ay sobrang komplikado at matagal ilaga, pwede naman itong tanggalin muna sa kalan at isingit ang inyong pinagagawa kung may URGENCY, at tipong brochure o poster o newsletter na iilang pahina lamang at wala pang dalawang araw ay tapos nang itakbo sa OFFSET PRINTING MACHINE.

Una, ang inyong final digital layout file ay dadaan muna sa computer na ipiprint ang images sa isang aluminum plate. Kasama ng plantsa ay isang 4-color progressive proofing na gabay ng operator sa mga kulay na hahabulin. Progressive ang tawag nito dahil pinapakita nito ang lapat ng tinta mula sa 1 color muna (cyan), madadagdanan ng ikalawang kulay (magenta), ikatlo (yellow) at sa kahulihulihan ay black.

Ang plate o plantsa ay isasakay ng operator sa OFFSET machine at aayus-ayusin ang mga alignment, pahid ng tinta at iba pang kemikal para makuha ang tamang lapat ng kulay sa papel batay sa progressive proof.  

Ang tawag ng mga operator dito ay “sine-setting” ang makina. Kung mamadaliin kasi ang pagse-“setting”, lalabas na parang blurred at hindi crisp ang inyong images at pati na rin ang mga text. Ang pagsesetting ang isa sa pinakamatagal na proseso sa pag-iimprenta.

Kapag ayos na ang setting, patatakbuhin na lang ng tuloy tuloy ang makina hanggang sa maubos ang papel na nakalaan. Kaya dito mauunawaan ninyo kung bakit cost-effective ang long-run o higit 1,000 na kopya ng libro o brochure, dahil pagkatapos ng inisyal na setting, mabilis na ang paggigisa ng kulay sa papel na pinili niyo.

Matapos malimbag ang inyong libro o newsletter o anupamang publikasyon, dadaan ito sa post-press na ang tagal o bilis ay depende sa kumplikasyon ng pinagagawa at disenyo.

Kung pansit o humba o kare-kare (matagala palambutin ang tuwalya ng baka) ang lulutuin, nasa ibaba ang tantiyang panahon na igugugol sa paglilimbag ng inyong mga materyales:

Ipinagpapalagay na malinis na malinis na layout file ang naipasa sa imprenta at wala nang mga koreksyon o editing na gagawin pa. Ang mga ito ay mga karaniwang timeline at hindi kinokonsidera ang mga posibilidad ng brownouts, o ECQ policies at iba pang di pangkaraniwang mga kaganapan.

Kung meron kayong katanungan na hindi nasagot sa artikulong ito o iba pang artikulong nakalimbag dito sa aming website, mangyari lang pong pasahan kami ng mensahe sa aming inbox sa facebook page: https://www.facebook.com/SouthernVoicesPrintingPress/inbox. Maraming salamat sa pagbabasa!

Kuwento ng mga Kuwento: Paano Gumawa ng Isang Libro

Tulad ng isang kuwento, bago dumating ang mga libro sa iyong palad, bago masilayan ng iyong mga mata ang makukulay na salaysay sa loob ng bawat pahina, ay dumadaan ito sa iba’t ibang mga tauhan bago pa mabili nina nanay at tatay o mairegalo sa iyo ng malapit mong kaibigan. Mula sa proseso ng pagkakasulat hanggang sa paglilimbag ay dumadanas ang libro ng sarili nitong pakikipagsapalaran. Ito ang ibabahagi namin sa iyo ngayon, aming mambabasa, ang kuwento ng mga kuwento.

Mula kay Ginang Manunulat, na siyang gumagawa ng mga karakter at daloy ng banghay, nabubuo ang nilalaman ng ating munting libro. Siya ang iskultor ng mga salita upang magkaroon ito ng hugis, kulay at saysay. Hinuhulma niya ang kuwento sa kaniyang imahinasyon. Kapag masaya na si Ginang Manunulat sa kaniyang akda at handa na siyang mabasa ito ng mas maraming tao ay ipapasa niya ito kay  Ginang Tagalapat.

Si Ginoong Tagalapat / Tagadisenyo naman ang mahusay na bubuo sa kaniyang isip kung ano ang magiging itsura ng akda ni Ginang Manunulat. Siya ang maglalapat nito sa papel, pahina kada pahina, sa font at kaanyuan na mapagkasusunduan nila ni Ginang Manunulat. Lalagyan niya ito ng pabalat na naaayon sa sukat na nais. Kapag naisalibro na ni Ginoong Tagadisenyo ang akda sa kaniyang kompyuter, ay tatawagan na niya ang Hepe ng Imprenta.

Ang Hepe ng Imprenta naman ang sasapul sa aabuting presyo ng paglilimbag ng libro. Isasagawa niya ang kaniyang super power na ang tawag ay “quotation”. Dito malalaman nina Ginoong Manunulat at Ginang Tagalapat ang karampatang gastusin ng plate printing at offset printing, kung may kulay o wala ang libro, anong uri ng papel ang gagamitin na nais nilang ilimbag, at ilang kopya ang kanilang nais ipagawa. Kapag nagkasunduan na ang tatlo ay pasisimulan na ni Hepe ang paglilimbag kay Maestro.

Unang darating sa kamay ng Maestro ng Makina ang mga plate sheets  na bakal. Dumadaan ito sa proseso na ang tawag ay CTP o computer to plate printing. Kapag nasa kaniya na ang mga bakal na katulad ng nasa layout ni Ginang Tagalapat, ipapakain niya ito sa kaniyang alagang makina upang magluwal ito ng maraming maraming kopya sa papel, tulad ng nasa disenyo ng plate sheet. Mula unang pahina hanggang sa katapusang pahina ay ililimbag ito ni Maestro. Mahusay niyang hahabulin ang mga kulay na nais nina Ginoo at Ginang upang maianak ng mabuti ang librong inaasam.

Pagkatapos kay Maestro ay dadalin ang libu-libong pahina sa Mga Bantay ng Bigkisan.

Dito isasalansan ang mga pahina at tutupiin ang mga papel. Kung kakaunting kopya lamang ito ay dadaan ito sa kettle stitch binding o saddle stitch. Dalawang uri ito ng manwal na pagtatahi ng gulugod. Para naman sa maramihang kopya, ang ginagawa dito ay perfect bind. Saka ito ididikit sa cover  ng libro na maaaring soft o hard bound.

Kapag natapos na ang libro ay ibabalik itong lahat kay Hepe upang ipa-revise kina Ginang at Ginoo at ipatingin ang natapos na produkto. Kung sa huli’y magkakatugma na ang lahat ng kanilang hiling ay saka pa lamang maibebenta ang mga librong nailimbag. Mula sa imprenta hanggang sa pagbebenta ay marami pang paglalakbay ang gagawin ng mga libro. Ilang bersyon pa ng kuwento ang maaaring ikuwento sa mga kabanatang ito.

Isa sa mga nais naming ibahagi sa iyo ngayon, aming mambabasa, ay ang katotohanan na ang libro ay hindi lamang gawa ng iisang tao. Nabubuhay sa maraming maraming kuwentuhan  ang lahat ng kuwentong iyong nababasa’t  nahahawakan sa iyong mga palad.