o kailangan ko ba ng ISBN para sa aking libro?
Ang International Standard Book Number o ISBN ay isang katangi-tanging numerong nagmamarka sa isang publikasyon. Kahit magkatulad ang pamagat at nilalaman ng dalawang uri ng aklat, halimbawa, nagkakaiba lamang sa edisyon o porma ng paglilimbag — e-book, paperback o hardcover na mga kopya ay magkakaroon ng magkakaibang ISBN.

Iba-iba ang paraan ng pagkuha ng ISBN sa bawat bansa, batay sa laki ng industriya ng paglalathala. Sa Pilipinas, ang Bibiolographic Services Division sa ilalim ng Pambansang Aklatan o National Library ang namamahala sa pagtatalaga ng ISBN. Para sa hakbang-hakbang na paraan sa pag-apply ng ISBN, bisitahin ang website na ito: http://web.nlp.gov.ph/nlp/?q=node/645.
Kung ikaw naman ay isang indie publisher (pinaikli ng salitang “independent”, ibig sabihin ay ang author na rin ang publisher), huwag mag-alala, dahil ang paghingi ng ISBN para sa iyong libro ay libre batay sa Public Advisory No. JET-02 dated March 22, 2021. Maliban dito, online ang buong proseso at mabilis silang tumugon.
Kung ang copyright page ng iyong libro ay isinulat sa Filipino, tandaan lamang na ang ‘publisher’ ay TAGAPAG-LATHALA, samantalang ang ‘printer’ ay TAGALIMBAG. Kaya kung isinulat ninyo sa copyright page na ang libro ay “Inilimbag ng ___” (printed by ___), hindi kayo mabibigyan ng ISBN at sa halip papayuhan kayong palitan ito ng “Inilathala ng (o ni) ____” (published by ____).
Kasabay ng pagsumite ng application form bilang bagong publisher, at application form para sa ISBN ng isang libro, ang pangangailangang i-attach ang cover page, title page, at copyright page ng aklat.
Matapos makakuha ng ISBN, maaari nang gumawa ng barcode gamit ang itinalagang ISBN gamit ang mga libreng app tulad ng free barcode generator na ito: https://www.free-barcode-generator.net/isbn/. Ang barcode ay isinasama sa back cover design ng iyong publikasyon. Kung meron pa kayong mga katanungan, maaari kayong makipag-ugnayan sa ISBN agency sa email: isbn@nlp.gov.ph.

Maligayang paglalathala at makabuluhang pag-apak sa mundo ng indie publishing* sa bansa.
*Ang Southern Voices Printing Press ay isa ring indie publisher na miyembro ng The Indie Publishers Collab o TIPC (https://www.facebook.com/TheIndiePubCollabPH).